Wednesday, March 12, 2014

Japanese Candlesticks Series Part 2


Sa nakaraang artikulo ay nakita natin na ang pag tratrade sa stock market ay parang pag sasaka kung saan may tamang panahon ng pag tatanim at tamang panahon ng pag ani. Doon din natin na laman na may dalawang pwersa na lagi nag lalaban sa stock market na syang tinatawag na Bulls o ang mga Turo kung saan sinusuwag nila ang presyo pataas, heto rin ay sumisimbolo sa pag taas ng demand ng isang stock at ang Bears o ang mga Uso naman ay ang humihila sa presyo ng stock pababa na sumisimbolo naman ng pag kunti ng demand sa isang stock at pag taas ng supply. Kung totoosin simple lang ang lohika sa likod ng stock market, para itong Economics na ating pinag aralan noong tayo'y nasa high school: tumataas ang presyo ng bilihin pag mataas ang demand at bumaba naman ang presyo pag mataas ang supply. Ang Law of Supply and Demand ang talagang naghahari sa lahat ng Financial Markets hindi lang sa stock market maging sa FOREX. Natutunan din natin sa nakaraang artikulo ang pag gamit ng Japanese Candlesticks kung saan nag bibigay sa atin ng tamang timing para bumili ng stock at kung kelan ang tamang timing para naman mag benta. Dito rin natin natutunan na ito'y unang ginagamit ng mga rice traders sa Japan tulad ni Munehisa Homma na yumaman sa pangangalakal ng bigas at ito naman ay ginagamit ngayon sa stock market at sa iba pang financial markets katulad ng FOREX or Foreign Exchange(palitan ng magkaibang currency ng magkaibang bansa hal. palitan ng piso at dolyar).


Gaya ng aking pinangako, ating pag papatuloy ang pag aaral natin ng iba't iba pang Japanese Candlesticks na sisimulan ko sa Japanese Candle signal na ito: 

Exhibit 1: Halimbawa ng Inverted Hammer 

 
Napag usapan natin noong nakaraang artikulo na kung may martilyo ang karpentero na gamit sa kanilang trabaho, ang mga stock traders ay may martilyo rin para pokpokin ang pera para ito'y tumubo. Ang martilyo sa Japenanese Candle chart ay hindi lang isang klase, meron din itong isa pang variety na tinatawag na Inverted Hammer. Bakit Inverted Hammer? Ehh mukha kasing martilyo na baliktad! Ngayon para ito'y ma konsidera na isang valid na reversal signal, heto ang mga sumusunod na sirkumstansya na dapat obserbahan: 

1. Ang stock na in-analyze ay dapat bumubulosok pa baba bago lumabas ang signal na ito. 
2. Gaya ng Hammer, ang upper shadow naman nito ay dapat doble ang laki nito kaysa sa real body. 
3. Ang sumunod na candlestick katabi ng Inverted Hammer ay dapat bullish candle or puti/green na kandila. 
4. Wala dapat maliit na lower shadow, ang kulay nito ay hindi mahalaga pero mas mainam kung puti or green ang kulay ng maliit na real body nito. 

Sabi ng mga experto ang mga plus factors nito ay: mas malakas indikasyon na muling aakyat ulit ang presyo ng isang stock kung ang closing price ng araw na nag pakita ang Inverted Hammer ay mas mababa kaysa sa nakaraang araw,  mas mataas ang volume nito sa araw na nag pakita ito at kung mas mahaba ang upper shadow nito ito daw ay mas mainam dahil ito ay nagpapakita na mas determinado ang mga Bulls na i-akyat ang presyo.

Exhibit 2: Inverted Hammer na makikita sa daily chart ng VITA noong Hunyo, 2013. 
Makikita sa Exhibit 2 ang Inverted Hammer na nag pahinto sa pagbulosok ng presyo ng naturang stock at nag bigay ng senyales sa pag akyat ng presyo na ito na tumagal ng tatlong araw. Kahit ang closing price nito ay hindi mas mababa sa bearish candle ng nakaraang araw ito pa rin ay nagpakita ng bullish signal dahil ang puting candle ang lumabas sa sumunod na araw na nag kompirma na tataas na ulit ang presyo ng stock. 
Sa tradisyon ng mga Hudyo at Kristyano pag may nakikitang Shooting Star simbolo daw ito ng isang fallen angel. Sa mundo naman ng stock market ay meron din masamang pangitain kapag nakakakita ng Shooting Star sa chart! 
 Exhibit 3: Halimbawa ng Shooting Star 
Ang Shooting Star ay halos kaparehas ng itsura ng Inverted Hammer, ang pinagkaiba lang ay ito ay matatagpuan sa bandaang taas ng chart habang umaakyat ang presyo ng stock. Ang mga sirkumstansya na dapat ikonsidera para malaman na valid reversal signal ito ay halos kaparehas ng Inverted Hammer ngunit ito'y  kabaligtaran: 
1.Ito ay nabubuo habang umaakyat ang presyo ng stock. 
2.Ang itsura nito ay parang Shooting Star kung saan ang buntot nito ay ang mahabang upper shadow na mas malaki pa sa real body nito.  
3.Ang sumunod na araw ng shooting star ay magpakita ng lakas ng mga Bears sa pamamagitan ng isang black/red candlestick. 
4.Dapat walang lower shadow o maliit na lower shadow ang ilalim ng real body nito.  
Gaya ng Inverted Hammer na may mga bonus factors ngunit hindi naman super importante, ang volume nito sa araw ng Shooting Star ay mas mataas kompara sa mga nakaraang araw, mas mainam kung ang closing price nito ay mas mataas kaysa nakaraang araw dahil na nag papakita ito ng sobrang pag bili o demand ng stock at kung mahaba ang upper shadow o buntot nito ay mas mainam at ang kulay nito ay hindi mahalaga pero mas mainam kung itim o pula ang kulay nito. 
Exhibit 4: Halimbawa ng Shooting Star na makikita sa daily chart ng BDO noong Peberero, 2012.

Makikita sa Exhibit 4 na kinompirma ng Shooting Star ang dalawang Dojis na mga nakaraang araw na may naka ambang reversal sa pag akyat ng stock price ng BDO noong nakaraang Peberero, 2012. Medyo alanganin ang sell signal ng sumunod na araw nito (isang Doji) pero ito'y kompirmado sa ikalawang  araw na syang itim o pulang candlestick mula sa araw nagpakita ito.  


Mabalik tayo sa labanan ng mga Bulls at Bears. Ang mga susunod na Japanese Candlestick  Signals  na-i papakita ko ay mga formations kung saan na uudlot ang kaligayahan ng Bears at Bulls sa kanilang tagumpay. Para lang JS Prom na tinapos ng maaga ng isang KJ at  masungit na prinsipal. 

 
                                       Exhibit 5: Bullish Engulfing Candle

Sa Exhibit 5 ay makikita ang isang ideal na halimbawa ng Bullish Engulfing Candle kung saan ang puti/green candle ay doble ang laki nito kaysa sa nakaraang itim/pula na candle. Ngayon upang ito ay maging valid signal para sa pagbili may mga sirkumstansya na kailangan tandaan: 

1. Ang Stock ay patuloy dapat sa pagbaba o pagbulosok nito bago ito magpakita. 
2. Sa araw na magpapakita ang malaking puting candlestick na ito ay dapat mas higit mas malaki sya kaysa sa nakaraang itim na candle kahit ang candlestick bago nito ay isang Doji ito ay isa pa ring valid na reversal signal. 
  
May mga bonus factors naman dapat din isa alang-alang pero hindi masyado importante gaya ng mga naunang reversal signals: 

1. Ang itim/pula candlestick ay dapat napakahaba kompara sa mga naunang itm na candlesticks. 
2. May biglang pagtaas sa volume kahit sa mismong pulang candlestick bago ang Bullish Engulfing o sa mismong araw na engulf ng puting candlestick ang naunang itim na candlestick. 
3. May malaking pagitan ang itim na candlestick bago ang bullish engulfing signal kompara sa mga naunang itim na candlesticks na syang nag papakita na desperado na maka benta ang mga sellers. 
4. Ang bullish engulfing candle ay dapat mas malaki ang real body kaysa sa mga naunang itim na candles ng mga nakaraang araw. 

 
Exhibit 6: Halimbawa ng Bullish Engulfing Signal na nag pakita sa daily stock ng LPZ o ng Lopez Group of Companies noong Marso at Mayo ng taong 2012. 


Makikita sa Exhibit 6 noong Marso 2012 ay na engulf ng puting kandila ang naunang Spinning Top na Doji pati ang naunang itim na candlestick na ito na halos mukhang hammer ngunit hindi kahabaan ang lower shadow. Makikita rin sa pangalawang arrow ang isa pang Bullish Engulfing signal kung saan ang puting candle ay in-enengulf nito ang mga dalawang nakaraang itim na candle stick pati ang maliit na puting candlestick bago sa mismong araw na nag pakita ito  pakatapos nito ay muling umakyat ang presyo ng LPZ bandang katapusan ng mayo, 2012.


Kung may Bullish Engulfing hindi rin mag papahuli ang mga Bears. Meron ding tinatawag na Bearish Engulfing. 

Exhibit 7: Halimbawa ng Bearish Engulfing Candle

Ang Bearish Engulfing ay sya namang kabaligtaran ng Bullish Engulfing pattern kung saan ang Itim na kandila ay higit na mas malaki o doble ang laki nito kaysa sa nakaraang puting kandila. 
Heto naman ang mga sumusunod na sirkumstansya na dapat obserbahan bago ito i-konsidera bilang Bearish Engulfing: 

1. Ang presyo ng stock ay dapat patuloy sa pag taas bago ito mag pakita. 
2. Ang itim na kandila ay higit sa laki kompara sa nakaraang puting kandila. Ito ay mas validong signal kung ang nakaraang araw isang Doji. 

Ang mga bonus factors naman na hindi masyado mahalaga ay ang mga ss: 

1. Ang puting kandila bago ang itim ay pinakamahaba kompara sa mga nauna dito. 
2. May biglang pagtaas ng volume kahit sa puting kandila bago ang bearish engulfing o sa mismong araw ng bearish engulfing. 
3. Ang puting kandila bago ang bearish engulfing ay mas mataas na presyo kaysa sa nakaraang katulad na kandila na nangangahulugan na ang mga bagohang investors o mangangalakal sa stock market ay excited makabili ng stocks. 
4. Gaya ng Bullish Engulfing signal, mas mainam kung ang itim na kandila ay mas malaki ang real body nito kompara sa iba pang naunang puting kandila. 

Exhibit 8: Isang Bearish Engulfing ang nagpakita sa daily stock chart ng Metrobank (MBT) noong Oktobre, 2013

Makikita naman sa Exhibit 8 kung saan nagpakita ng masamang sinyales ang bearish engulfing signal na delikado ipagpatuloy ang paghawak ng stock ng Metrobank noong Oktobre 2013, ang mga sumunod na araw ay nagpakita ng dalawang Dojis at sinundan pa ng itim na kandila na nag kompirma na may naka ambanga ngang pagbagsak na presyo ng naturang stock at dapat na ito ipagbili para ma preserve ang iyong kinita.

Kung minsan ay may nag kaka saksakan sa JS Prom noong tayo'y high school pa, kahit dito sa stock market ay may nagkakasaksakan din! Yun nga lang sa chart lang nag kakasaksakan hindi sa trading floor... Hehe!  
Minsan Kill Joy o KJ ang mga bulls kung saan trip nila saksakin ng kanilang sungay ang mga uso habang ito'y nag lalasing at nagpapakasaya sa paghila nito ng stock price. Ang pangyayaring ito ay tinatawag na Piercing Signal. 
 Exhibit 9: Isang halimbawa ng Piercing Signal

Kung mapapansin nyo sa Exhibit 9, makikita nyo na nag bukas ang presyo ng stock na mas mababa kaysa nakaraang itim na stock ngunit sa kalagitnaan ng araw ay naabot ng presyo nito ang kalahati ng katawan ng nakaraang kandila kaya ito tinawag na piercing signal dahil parang sinasaksak ng puting kandila ang nakaraang itim na kandila dahil naabot na nito ang kalahati ng katawan nito. 

Ang mga pangunahing sirkumstansya na dapat obserbahan para masabing magandang oportunidad ito para bumili ng stocks ay ang mga ss: 

1. Ang stock ay dapat kasalukuyang bumubulosk o bumababa bago mag pakita ang piercing formation. 
2. Mahalaga na puti dapat ang kandila na sumasaksak sa nakaraang itim na kandila at dapat ang opening price nito ay mababa kaysa sa nakaraang kandila at nagsasara ito sa kalahati o kahit halos kalahati ng naunang kandila para masabing Piercing Signal. 

Ang mga bonus factors naman na hindi masyado mahalaga ay ang mga ss: 

1. Katulad ng Bearish Engulfing, ang itim na kandila bago ang Piercing na puti ay dapat ang pinaka mahaba kaysa sa mga naunang itim na kandila. 
2. May pag taas dapat ng volume kahit sa itim na kandila bago ang Piercing na puti na kandila o sa mismong araw ng puting kandila. 
3. Katulad din ng Bearish Engulfing, ang itim na kandila bago ang Piercing na puti ay dapat mas mababa ang closing price nito kaysa sa mga naunang itim na kandila. 
4. Ang opening price ng Piercing na pujting kandila ay dapat mas mababa kaysa sa mga nakaraang closing prices ng mga nakaraang itim na kandila. 

Exhibit 10: Makikita sa tinuturo ng arrow ang Piercing Signal sa daily stock chart ng SM noong Desyembre, 2013.

Makikita naman sa Exhibit 10 kung saan pansamantalang itinigil ng mga turo ang pagpyepyesta ng mga uso sa stock ng SM ng mag pakita noong Desyembre,2013 ang isang Piercing Candle na syang nag bigay senyales sa pag taas ng presyo ng SM na tumagal ng tatlong araw matapos ito'y magpakita. 

Hindi lahat ng mga Japanese Candlestick signals ay perpekto sa kanilang signal na ibinibigay kaya mahalaga lagi maghintay sa kompirmasyon ng susunod na kandila pagkatapos itong magpakita. Isang halimbawa nito ay sa Bullish Engulfing Signal, bago bumili ng stock siguraduhin na ang susunod na candle stick ay puti/green rin. Kung ito'y itim/pula nangangahulagan na false alarm ito. 

At dito pansamantala nag tatapos ang ating usapan patungkol sa Japanese Candlesticks, sa susunod na artikulo ay matutunan naman natin ang Dark Cloud Cover, Ang Bullish and Bearish Haramis, at Ang Morning Star at Evening Star signals. 

Disclaimer:  Ang mga ginamit na charts na halimbawa dito ay nagmula sa COL Financial Group para sa layuning pang edukasyon at ang iba namang presentasyon ng Candlesticks ay aking iginuhit hango sa libro ni Balkrishna Sadekar na patungkol sa paksang Japanese Candlesticks. Ang iba naman mga larawan ay hango sa BPITrade at google image.


 



 


 

Thursday, March 6, 2014

Japanese Candlesticks Series Part 1



Sa pag iinvest sa stocks, parang ikaw ay isang magsasaka na nag tatanim at nag aani ng iyong mga pananim. Hindi sa lahat ng oras ay pwede ka mag tanim at mag ani di ba? Kaya ang mga mag sasaka ay lagi inoobserbahan at tinatandaan ang mga pag palit ng panahon para malaman ang tamang timing ng pag tatanim at pag aani. Kung may  panahon ng tag tuyot at matinding unos sa pag sasaka ganun din sa stock market. May panahon na bumubulosok ang presyo ng halos lahat ng stocks sa merkado at unti-unti nauubos ang pera ng mga bumili ng stocks noong matataas pa ang presyo nito na nag dudulot ng matinding pag kalugi at ang masaklap pa nito ang iba ay nag papangamatay dahil di matanggap na ang pera pinaghirapan ay nawala na lang na parang bula. Meron din panahon ng pag aani kung saan ang mga bumili ng stocks noong mababa pa ang presyo nito o bumili sila sa punto na nag sisimula umarangkada ang pagtaas ng presyo ay na gagantimpalaan na sya na naman nag bubunga ng magandang bukas. Kaya simula sa artikulo na ito at sa mga susunod ay ituturo ko sa inyo kung paano malaman kung ano ang tamang panahon para bumili at magbenta ng stocks sa pamamagitan ng stock market charts. Sisimulan ko ito sa Japanese Candlesticks Series kung saan aking itatampok ang iba't ibang Candlesticks Signals na magbibigay gabay sa iyong pangangalakal sa stock market. Isa sa mga layunin ko na ma-empower ang mga ordinaryong Pilipino na mag analyze ng stock market charts na parang isang propisyonal maka tipid ng pera mula sa matinding pagkalugi kung sila ay makikinig o magbabasa sa payo ng iba. Bakit ko ba ito naging layunin? Sa tagal ko pag tratrade sa stocks, may mga nakita akong tao na walang tyaga pag aralan ang mga bagay na ito katulad ng ituturo ka sa artikulong ito, mas pinili pa nila makinig sa payo ng iba na wala naman karanasan sa pag tratrade sa stock market. Isang halimbawa dito ay isa kong kaopisina na bumili ng maraming shares ng Bloomberry(BLOOM) na syang nag mamay ari ng Solaire Hotel and Casino na kesyo maganda ang prospect ng kompanya na ito ay nahikayat syang bumili ng stocks ng isa sa mga employado nito na kamaganak nya. Sa simula maganda ang pag taas ng BLOOM pero sa hindi mapaliwanag na pangyayari patuloy ang pagbagsak ng presyo nito at hindi na ito nakabalik sa orihinal na presyo kung kelan nya ito binili.Tandaan: hindi purke maganda ang prospect at maganda ang kinikita ng isang kompanya ay mag tratranslate ito sa mataas na stock price! Kaya mahalaga talaga maging edukadong stock trader na bihasa sa pag aanalyze ng charts! 

Ngayon mabalik tayo sa main topic....l 

Ano ba ang Japanese Candlesticks? Ang Japanese Candlesticks ay mga bars na mukhang kandila na nag papakita ng galaw ng presyo ng isang stock sa isang trading session maari ito maging galaw ng presyo sa isang araw, isang lingo o isang buwan depende sa iyong istilo ng pag aanalyze. Ngayon kung nag tataka kung saan ito nanggaling at sino naka imbento nito,halata naman ito'y galing sa mga Hapon kaya nga ito tinawag na Japanese Candlesticks di ba? Ito'y sinimulan gamitin ng mga mangangalakal ng bigas sa Japan noong 1700s. Ang prominenteng rice trader na gumamit nito ay si Munehisa Homma na syang nagpalago ng yaman ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang mga konsepto at technique sa pangangalakal ng bigas na syang nag evolve sa Japanese Candlesticks.
Exhibit 1: Ang basic composition ng isang Japanese Candlestick
  
Exhibit 2: Ang White and Black Marubozu na walang Upper and Lower Shadows. Ang White Marubozu na nag papakita na ang presyo ay nag bukas mula sa pinakamababang presyo ng araw na iyon at nag sara sa pinakamataas. Kabaligtaran naman sa Itim na Marubozu.


Makikita sa Exhibit 1 ang komposisyon ng isang Candle Stick.Ang Candlesticks ay binubuo ng dalawang klaseng ng kulay: Puti  at Itim na syang mga tradisyonal na kulay nito, ngunit karmihan sa mga online brokers at online charts ngayon ay Green (para sa puti) at Red (para sa itim) ang ginagamit. Simulan natin pag usapan ang bawat parte ng isang candlestick(tignan ang Exhibit 1): ang nakikita ninyong linya sa pinakataas na bahagi ay nag papakita ng pinakamataas na presyo ng stock na naabot sa isang araw, ito'y tinatawag ng mga experto bilang uppershadow. Sa baba naman ay pinapakita ang pinaka mababang presyo ng stock na naabot sa isang araw na tinatawag namang lowershadow. Hindi nangangahulugan na ang upper and lower shadows ay ang final na presyo ng isang stock, ito'y mga presyong nadaanan lang sa loob ng isang araw. Ang nakikita nyo namang  sa pagitan ng upper and lower shadows ay ang tinatawag na real body kung saan nag iiba ito ng kulay depende sa sitwasyon. Halimbawa ang presyo ng GMA7 ay nag bukas sa 8 pesos at ito'y at nag sara presyong 10 pesos, kung ito ay iguguhit bilang candlestick ang kulay nito ay puti o green dahil pinapakita nito na ang closing price ay mas mataas kaysa opening price. Ngunit kapag ito ay nag sara sa mas mababang presyo kaysa sa opening price kunwari nag bukas ng 8 pesos ngunit nag sara ito sa 5 pesos ito ay magiging itim(pula). Basta tandaan na kapag kulay puti ang isang candlestick ibig sabihin noon ay mas mataas ang naging presyo ng closing price kaysa sa opening price, itim naman ay mas mababa ang closing price kaysa sa opening price.Sabi ng mga experto, kapag marami ka nakikitang puting candlesticks sa isang chart, ngangahulugan na may malaking posibilidad (Bullish dahil sinusuwag pataas ang presyo) na umakyat ang presyo ng isang stock, kabaligtaran naman kung maraming itim na candlesticks(Bearish hinihila pababa ang presyo). 


















Exhibit 3: Halimbawa ng Bullish Candles ng BDO Stocks mula Pebrero,2012 hanggang Pebrero, 2013. Gamit dito ay weekly candlesticks sa loob ng isang taon.

















Exhibit 4: Halimbawa ng Bearish Candles ng Security Bank (SECB) Stock mula Abril, 2013 hanggang Nobyembre, 2013.


Ngayon naintindihan na natin ang basic composition ng candlestick, dumako naman tayo sa iba't ibang klaseng candlesticks na sya ring tampok sa mga susunod na artikulo. Karamihan sa mga candlesticks ay mga reversal signals ibig sabihin ito'y nag papakita na isang stock price na pataas man o pababa ay malapit nang magbago ng direksyon. Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ka ng isang stratehiya sa pag bili at pag benta ng stock. 

Kung ang Kristyanismo ay ginagamit ang krus bilang simbolo ng pananampalataya, sa Japanese Candlestick Chart ay meron ding krus na syang simbolo ng pagbagbabago ng takbo ng presyo ng stock price na syang tinatawag na Doji. Ang Doji ay mga pag kakataon na ang stock price ay aakyat sa pinaka mataas na presyo nito sa isang araw at bigla naman ito baba sa pinaka mababang presyo nito ngunit ito ay mag sasara kung saan ito'y nagbukas. Kung ito ay i-dradrawing sa isang chart ganito ang kalalabasan nito: 



                                                     Exhibit 5: Halimbawa ng isang Doji 


Kapag nakita ang Doji sa bandang pinaka ilalim at pinakataas ng isang chart, ito'y nangangahulugan may nakaambang pag babago ng direksyon sa galaw ng presyo ng stock. Para mas lalong maintindihan ang mga Japanese Candlesticks ihalintulad natin ang stock market sa isang labanan sa pagitan ng mga Turo o Bulls at mga Uso o Bears. Gaya ng nabanggit ko sa simula ng artikulo nito, ang Bulls ay simbolo ng pag suwag ng presyo ng stock pataas at ang Bears naman ay simbolo ng pag hila ng presyo pababa. Kung ang stock price ay patuloy sa pag baba sa loob ng ilang lingo, buwan o taon ito ay tinatawag na Bearish Market ibig sabihin ang mga uso ang nag hahari sa merkado, kapag ang presyo naman ay patuloy sa pag akyat ito naman ay tinatawag na Bullish Market at ang mga Toro naman ang nag hahari. Hindi sa lahat ng oras ay nag hahari ang mga Toro at mga Uso habang buhay, sila patuloy nag sasalitan sa kanilang pag hahari. Madalas kapag nag pakita na ang Doji signal habang bumababa ang presyo ng stock ang ibig sabihin nito ay nagigising na ang mga Toro at malakas itong indikasyon na malapit sila maghari muli kaya imbis ang presyo ng stock ay patuloy na bumaba ito ay nag sasara kung saan ito nag bukas at maganda itong senyales para pagbili. Stalemate ika nga sa chess o draw sa ibang laro ang pinapakita ng isang Doji sa isang trading period. Ganun din kapag patuloy ang pagtaas ng presyo ng stock kapag nag pakita ang Doji ibig sabihin nito ay nagigising na ang mga uso at malapit na ito mag hari muli para ibagsak ang presyo ng stock. 

Exhibit 6: Isang Doji nag pakita sa Weekly Stock Chart ng SM noong Septyembre, 2013. na syang nag patigil sa pag bulosok nito

                   Exhibit 7: Doji na nag pakita noong Pebrero,2013 na syang nag patigil sa pag akyat ng presyo ng GTCAP.


Ngayon nauunawaan natin ang maaring implikasyon ng Doji sa tuwing ito ay nag papakita sa Stock Market Chart. Tandaan na hindi lahat ng stock market chart ay fail proof ibig sabihin hindi ito gumagana sa lahat ng pag kakataon. Di purke nakita mo na ang isang Doji signal sa chart habang bumubulosok ang presyo ng isang stock ay bibili ka na agad, kailangan may kompirmasyon na ito ay isang valid na reversal signal. Tignan ang Exhibit 6, bibili ka ng stock ng SM kapag ang sumunod na session ay Bullish Candle ang kasunod na araw ibig sabihin kompirmado na muling tataas na ang presyo ng stock. Ganun din sa Exhibit 7 na ang sumunod na Candlestick ay isang itim na candle na halos mukha na ring Doji sa liit ng real body nito, heto ay tamang pagkakataon na ibenta ang GTCAP at ma preserve ang iyong kinita kung nabili mo ito sa mas mababang presyo. 





Ang Doji ay may iba't iba ring mga itsura depende sa galaw ng presyo pero pare-parehas lang sila ng interpretasyon:



 
Exhibit 8: Gravestone Doji nag papakita na nagsimula ang opening price sa pinakamababang presyo ng partikular na araw na iyon, ito'y umabot sa pinaka mataas na presyo pero nag sarado pa rin ito kung saan ito nagsimula. Kaya ito'y tinawag na Gravestone dahil mukhang itong marka ng isang libingan.




Exhibit 9: Dragon Fly Doji naman ay kabaligtaran ng Gravestone Doji kung saan ang nagbukas ang presyo sa pinakamataas nito sa partikular na session at bumaba ang presyo ngunit nag ang mga Bulls ay naitabla ang laban nito laban sa mga Uso ng ito'y magsara pabalik sa opening price.








Exhibit 10: Heto naman ang Spinning Top dahil mukha itong trompo. Isa rin ito uri ng Doji ngunit may napakaliit na real body dahil halos hindi nag kakalayo ang opening at closing price nito. Ito'y nag bibigay pa rin ng kaparehas na signal katulad ng ibang Doji at hindi mahalaga kung ano kulay ng real body nito. 




Kung ang karpentero ay may martilyo o hammer para magampanan ang kanyang trabaho, di nyo ba alam ang mga stock traders ay meron ding sariling martilyo? Ayaw nyo maniwala? Heto patunay ko: 



                 Exhibit 11: Hammer naman ang pamokpok ng mga stock traders para kumita ng pera!

Di gaya ng karpentero na kailangan i-pokpok ang martilyo, ang mga stock traders naman ay ginagamit ito bilang isang indikasyon na malapit na ang tamang panahon ng pagtatanim ng pera. Naalala nyo sa simula ng artikulo na ito na ang pag tratrade sa stocks ay parang pagtatanim sa isang bukirin? Maraming pagkakataon na nag papakita ang Candlestick signal na ito sa isang chart pero hindi lahat ng oras ay tama itong gamitin. May mga cirkumstansya na dapat sundin upang maging tama ang interpretasyon nito: 

1. Ang mga nakalipas na candlesticks ay dapat patuloy sa pag bagsak (tignan ang Exhibit 12).
2. Ang lower shadow nito ay dapat doble ang laki nito kaysa sa real body.Ang kulay ng realbody nito ay hindi mahalaga kahit itim pa yan o puti.
3. Para malaman na nag reverse na ang takbo ng presyo ng stock mula sa pagbagsak patungo sa muli nitong pag akyat, ang susunod na candlestick nito ay dapat Bullish o Puti at mas malakas ang indikasyon nito na tamang panahon na ang pagbili kung ang presyo na sumunod na araw ay mas mataas kaysa sa araw na nag pakita ang hammer signal.
4. Wala dapat uppershadow ang candlestick na ito.


 Exhibit 12: Isang halimbawa ng pagpapakita ng Hammer sa stock market chart ng Alliance Global Inc.(AGI) noong Enero,2011. Ang sumunod na Bullish Candlestick ay nagpapakita na indikasyon na na nag reverse na ang dating trend mula sa pagbulosok patungo sa pag arangkada ng presyo pataas.


Kapag may taong gustong magbigti malamang may malaking problema ito dinadanaas. Alam nyo ba na sa stock market chart ay may nagpapakitang taong nag bibigti na isang implikasyon na may nakaambang panganib sa pagtaas ng isang stock price? Gusto mo ng katunayan? Heto: 
 
  Exhibit 13: Hanging Man naman ay nagpapakita na may nakaambang panganib sa pagtaas ng presyo ng isang stock.  Kaya rin ito tinawag na Hanging Man ay dahil mukha itong taong nagbigti.

 
 Halos magkaparehas lang ng katangian ang Hammer at Hanging Man na dapat walang upper shadow, di-importante ang kulay ng real body, at dapat doble ang laki ng lower shadow kaysa sa real body; ang pinagkaiba lang ay ito'y nag papakita na habang umaakyat ang presyo ng isang stock price ay nag babadya ito ng pag bulosok ng presyo at ito'y nag bibigay sa iyo ng signal na kailangan ibenta ang stocks mo para ma preserve mo ang kinita mo sa nakaraang pag akyat ng presyo.  Ang kompirmasyon naman nag pag reverse ng takbo ng presyo ay kabaligtaran naman ng Hammer na dapat ay puti ang sumunod na candlestick, sa Hangning Man naman dapat ito'y itim.





Exhibit 14: Isang Hanging Man na nag pakita sa daily candlestick chart ng Bloomberry(BLOOM) noong Septyembre 2013 na nag papakita nakaambang pag bagsak ng presyo ng mga sumunod na araw..




At dito natatapos ang Part 1 ng Japanese Candlesticks Series natin. Sa Part 2 ay aalamin natin ang Inverted Hammer, Shooting Star,Bullish and Bearish Engulfing Signals at Piercing Signals. 



Ang mga charts na ginamit sa Blog na ito ay hango sa charting tool ng COLFinancial.com. Kasaysayan at Konsepto ng Japanesese Candlesticks ay aking natutunan sa mga libro ni Steve Nison: Japanese Candlestick Charting Technique na syang madodownload sa FB pages ng Stock Market Groups katulad ng Philippine Investors Group o Philippine Elite Stock Traders(PEST) at sa libro ni Balkrishna Sadekar na mabibili sa NationalBookstore. Ang larawan naman sa introduksyon ng artikulo na ito ay hango sa search result ng google images.